Limot na Paalala



Dangal ng aking malawak na mundo
Tinig na kinilala at ilang beses ng nagpatotoo
Sa kabila na ang bansa’y may mabagal na progreso
Ay ang patuloy na pamamayagpag nito sa kabilang ibayo


Wikang nakisama sa ilang ulit na pananakop
Hinubog ng panahon at walang humpay na sinusubok
Likas na matiisin, magiliw at kilalang masinop
Dungisan man ng iba’y hinding hindi tumitiklop

Ngayong modernong panahon, unti-unti din itong naglalaho
Maging sa mga mag-aaral ngayon ay nais itong itago
Ultimo aking gobyerno ay ang napag-alaman kong pasimuno
Sa planong pag-alis sa kolehiyo ng wikang Filipino

Paglipas ng panahon, darami narin ang magpapatupad
Ngayong pa nga lang na pati magulang, ingles ang nais gamiting pang-lahad
Para umano ito sa mga walang kamuwang-muwang na henerasyon
Na sa simula pa lamang ay gagamit na ng wikang panakop ng mga nasyon

Nasan na nga ba ang mga makabayan!?
Pikit mata nalang ba tayo’t magbubulag-bulagan?
Oo, kailangan nating gumamit ng banyagang wika
Pero ang kumalimot dito’y tunay na hindi kaaya-aya

“Masahol pa sa malansang isda”, nakalimutan niyo na ba!?
Sa tayog ng lipad niyo, sana’y inyong maalala
Na ang wikang kinahihiya niyo ay minsan ng nagdusa
Dahil ito’y umaruga sa mga tulad niyong mapagsamantala

~ wakas ~




0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...