Etong linggong 'to, nagikot-ikot ako sa kalakhang Maynila. Pero sa totoo lang, dumalaw lang ako sa aking pinangarap na unibersidad. Hindi pa ako tapos sa kolehiyo dahil hanggang ngayon ay 4th Year Standing parin ako. Gaya noong una, akala ko matatapos narin ang lahat pagkatapos ng nakaraang taon. Na magiging isa narin ako sa matatawag na "propesyonal". Pero hindi parin ito nabigyang katuparan dahil hindi parin kami nakalulusot sa matitinik na mata ng aming pinakatatanging propesor.
Balik sa gusto kong ipabatid... Pumunta ako doon upang masilayan lang ito muli pero hindi ko inasahang marami palang tao kahit "summer" ngayon. Akala ko may mga summer classes pero yun pala'y enrollment ng mga magsisimulang tumapak sa kolehiyo ang bubusog sa aking mapagmasid na mga mata. Walang masyadong nagbago sa lugar maliban nalang sa tinawag nilang "Disney Land" (ngunit mukang intramuros naman sa labas) sa loob ng paaralan na hinihinalang pagtatayuan daw noon ng "StarBucks". Dalawang taon o mahigit pa ang nakalipas ng magsimulang buuin ang istrukturang ito. Hindi pa ako humihinto sa pag-aaral noon pero parang nakakapanghinayang na hindi ko na makita ng malaya ang kulay berde at tila napabayaang "marsh" o "swamp" na pinamamahayan ng maraming uri ng nilalang.
Habang binabagtas ko ang paligid ng unibersidad, naalala kong muli ang mga tanong na matagal ko ng pinipilit na kalimutan. Pano kaya kung nakapag-aral ako dito? Pano kaya kung tinanggap nila ako? Hawak ko na kaya ang aking diploma ngayon o hindi parin ako makakatakas sa kahirapan na pumupukol sa amin? Sa mura ng pang matrikula dito, makakaya ko kayang maging matayog at matagumpay?
May narinig akong usapan, na ang korupsyon daw ay nakapaligid parin sa kinauukulan kaya nga daw mabagal ang pagunlad ng paaralan. Oo nga't magagaling ang mga estudyanteng kanilang nailalabas pero hindi ba kayang pagtuunan naman ng pansin ang pangangailangan ng mga mag-aaral? Bakit kaya ilan lang ang mga eskwelahang mabababa ang matrikula? Hindi ba't ang edukasyon ay isang karapatan at hindi isang pribilehiyo lamang? Hindi ba pupwedeng pag-aralin ang mga nais mag-aral? Hindi ba pwedeng hasain ang mapupurol na utak ng walang katumbas na kabayaran? Hind ba pwedeng magtayo ng paaralang tumatanggap ng estudyanteng walang pambayad? Isang paaralang hahasain ang mga naghahangad ng karunungan?
Oo nga't may planong nakalaan para sa bawat isa. Sa kung ano mang tatahakin nating daan ay mayroon ng istoryang patutunguhan. Nakakapanghinayang lang talaga minsan na hindi lahat ng plano ay aayon sa ninais mong katuparan.
0 comments:
Post a Comment