KM3: TINIG (Perlas ng Silangan)

Halo-halong dugo, halo-halong wika, matang iminulat ng nasisirang bansa. Sadya bang paninindigan nalang natin ang pagiging utak talangka? O pupwede pa nating pagkaisahin ang ating mga puso’t diwa? Sa rurok ng tagumpay ng isa man sa atin, isa-isa rin nating hinihila sila pababa. Hindi ba’t mas kaaya-aya kung ang pag-angat ng isa ay magiging ating inspirasyon? Pag angat na nagsisiwalat ng ating tibay at dedikasyon?

Yan ang mga tanong na sa aki’y madalas bumabagabag. Bakit nga ba? Sadya bang naiinggit tayo sa mga kapwa nating umaangat sa buhay at hindi natin matiis na magsumikap kaya’t nanaisin nalamang natin silang maisadlak muli sa lupa? Ang dami nating reklamo sa mga nangyayari sa ating paligid gaya ng mga demolisyon at korupsyon sa ating gobyerno ngunit naisip na ba nating hindi atin ang lupang tinitirikan ng ating pamamahay kung kaya’t ano mang oras ay maaari din nila itong bawiin? Na kahit kailan, hindi magagawa ng gobyernong solusyonan ang problema ng isang bansa sa loob lamang ng ilang araw ngunit agad parin tayong nagwewelga at gumagawa ng mga petisyon laban sa administrasyon ukol sa mga bagay na hindi naman talaga mareresolba sa isang kisap mata lamang.

Kung ating diringgin ang tinig ng bawat isa, hindi rin tayo magkakasundo. Dahil ang nais ng isa ay maaring hindi rin magustuhan ng isa. Kailangan matutunan nating magparaya para sa nais ng iba. Kailangang matuto tayong makontento sa kung ano mang kaloob na sa ati’y ipinagkatiwala upang magampanan natin ang nararapat nating posisyon, hindi lamang sa ating bansa ngunit maging sa ating mundo. Ang kapwa Pilipino ay iyong makakasalamuha saan mang sulok ng mundo. Kung ang pagkakaisa’y hindi natin mabibigyang katuparan, nawa’y matuto narin lamang tayong magpakumbaba para sa kapakanan ng karamihan o ng ating kapwa.

Ang pagbabago ay sadyang nagsisimula sa ating mga sarili. Mga pamumuna na hindi man lang natin nakita kung isa ba tayo sa mga nagkasala. Kaya’t ang mga dating pamana ay hindi nawawala, sa pagkat sa ating salamin hindi natin maiharap maging ang ating pagmumukha.

---------------------------------------------------------------------------------------------
Isang akda para sa paligsahang pinasimulan ni ginoong J.Kulisap

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...