“Pa, naimas diay kape idiay!”, - (Pa, ang
sarap ng kape doon!)
Yan ang winika ng isang inang marahil ay nasa kalagitnaan na
ng kaniyang ika-28 taong gulang sa kaniyang asawang bitbit ang kanilang anak sa
pamilihan ng isang mall sa isang siyudad sa Pangasinan. Habang pinagmamasdan ko
ang mag-asawa ay siya namang pag tusok ng mga tila maliliit na pako na patuloy
na pumupukol sa’king damdamin. Marahil ay normal ng dahilan na nais ko lamang
magliwaliw o makalimot kaya ako naparito pero sadyang iyon lamang ang
natatanging dahilan ko kaya ninais kong maglakbay.
Ako si Elmer, isang Pilipinong nangangarap ng isang
magandang buhay kasama ang babaeng aking minamahal.
Gaya nga ng nabanggit ko… Nangangarap lang ako… At marahil
mananatili na lamang itong pangarap dahil wala na sakin ang babaeng napili kong
makasama pang habang-buhay.
Kakahiwalay lang namin ng aking nobya nitong nakaraang
dalawang linggo. Pitong taon din kaming magkasintahan. Hindi ko parin siya
makalimutan at tila isang bangungot na lagi ko nalang naiisip kung ano na ang
kaniyang kalagayan ngayon.
Nangungulila rin kaya siya? Nahihirapan din ba siya ngayon?,
paulit-ulit kong tanong sa aking sarili.
Wala na kaming komunikasyon ngayon. Marahil sobrang sama ng
loob niya kaya nagpalit na siya ng numero ng kaniyang telepono.
Wala akong kakilala sa napuntahan kong lugar. Ngayon ko lang
napagtanto na mahirap palang magliwaliw ng mag-isa lalo na kung sa lugar na
hindi ka naman talaga pamilyar. Wala akong maintindihan sa mga salitang
binibitiwan nila. Wala akong kakilala at sa malilikot kong mga mata, napansin
ko ang pagtitinginan ng mga tao sa akin.
Marahil iniisip nila na may “promdi” na naligaw…
Prom-di-City!
Siyempre para sa tulad nila, ako yung “alien” sa lugar.
Walang kamalay-malay na naglilibot na tila naliligaw.
Kung sabagay, naliligaw nga naman talaga ako. Hindi ko lang
talaga maamin sa sarili ko kaya kung anu-ano nalang ang mga dahilang ginagawa ko
maiwaksi lamang ito sa aking sentido.
Sa halagang tatlong libong piso, naglakas loob akong gumala
sa malayong lugar. Akalain mo yun!? wala na ngang kakilala, walang kasama at
buong tapang pang humarap sa gitna ng maikokonsidera kong dayuhang lugar?
Marahil pinagtatawanan din ako ng mga kaibigan ko ngayon sa desisyong pinilit kong
tuparin.
Tanghaling tapat na at wala pa akong lugar na matutuluyan.
Laking gulat ko nalang na nung magtanong ako sa isang tindera ng yosi sa tabing
kalsada ay marunong itong magtagalog!
“Manang, saan po kaya ako makakahanap ng matutuluyan dito?”,
tanong ko sakanya.
“Ay, iho, walang mga hotel na malapit dito gaya ng kung
anong kinalakhan mo sa Maynila. Maghanap ka na lamang diyan ng taong
magtitiwala sayo para patuluyin ka sa kanilang tahanan.”, wika ng tindera.
Napakamot nalang ako sa ulo habang bumibili sa kaniya ng
kalahating kaha ng sigarilyo at nagpasalamat. Sino ba naman ang magtitiwala sa
hindi kakilala hindi ba? Sa Maynila nga kakilala mo na ng napakatagal na
panahon ay siya pa minsang tumatalo sa’yo.
Naglakad-lakad pa ako ng kaunti sa bayan ng may makasalubong
akong magandang dilag. Tila taga Maynila rin ang isang ito sa maputi niyang
kutis, postura at tila modelong tindig.
“Excuse me miss, pupwede bang magtanong?” bungad ko sa
kaniya.
“Bakit po manong? Ano po iyon?" ang siya namang tugon
niya sa akin na tila nagbibigay pahiwatig na ang edad namin ay sadyang
magkalayo.
Nasa ika-25 taon palang naman ako. Ganun na lang ba katanda
ang itsura ko? Kung tutuusin, tila magkasing edad lang naman kami. Sa aming
pag-uusap ay hindi ko maiwasang mapansin ang ganda ng kaniyang mga labi,
mamula-mula ang mga ito at may kaunting kulay ang kaniyang buhok na
nagpapatingkad pa lalo ng kaniyang maamong mukha.
“May alam ka bang maari kong tuluyan dito? Mukha kasing taga
Maynila ka rin kaya naglakas loob na akong nagtanong sa iyo.”
“Ay, wala ho. Wala po ba kayong kakilala rito?” Tila, paiwas
pa niyang tanong.
“Wala eh, mag hapon na akong naghahanap dito at kung hindi
iiwas ang mapagtatanungan ko, parating wala ang sinasagot nila sa akin.” Agad
kong tugon sa kaniya.
“Naku, ganun po talaga dito, probinsya naman na ho kasi
ito.”
Sa hindi inaasahang lakas ng loob ay naitanong ko sakanya
kung maaari ba akong makituloy sa kaniyang uuwian dito sa probinsya na agad din
naman niyang sinagot ng mapait na hindi.
Ano pa nga ba ang aasahan ko? Nag mukha na nga akong matanda
sa mata niya, bigla pa akong hihirit kung maari ba akong makituloy sa kanila.
Pag tapos ng tanong na iyon ay agad na ring nagpaalam ang magandang dilag na
aking binigyang palayaw bilang si “Miss Byu” at wala na akong nagawa kundi
habulin nalang siya ng tingin.
Patuloy parin akong naglalakad ngayon. Kulay apoy na ang
langit na tila nagbabadya pa ng isang malakas na ulan pag sapit ng dilim ng
mapadpad ako sa tabing ilog. Umupo ako sandali sa damuhan upang makapag pahinga
at suminding muli ng isa pang sigarilyo. Sa maghapong iyon ay tatlo na lang ang
naiwan sa binili ko kay manang kanina at habang binubulatlat ko ang laman ng
aking bag ay napansin ko ang isang bangka sa tabing ilog. Mukhang may mga tao
sa kabilang parte ng ilog ngunit may tatanggap naman kaya sa akin doon? Isa pa,
wala rin akong karanasan sa pagsasagwan, pano ko naman kaya ito tatawirin?
Habang nalalapit na ang baga sa upos ng aking papaubos na
pampakalma, naglakas loob na akong tumawid sa kabilang ibayo at gamitin ang
bangkang naka-daong dito sa aking kinatatayuan. Nai-alis ko na ang mga taling
nagbibigkis dito at sa kinakapitan nito nang may sumigaw na tila pamilyar na
tinig…
“Manong, aguray ka man!” -
(Manong sandali lang!)
Nang lingunin ko ito ay si “Miss Byu” ang aking nakita! Kung
hindi ba naman ako siniswerte. Hindi parin tapos ang araw ko ngayon.
“Ay manong, ikaw pala.. Saan na ang lakad mo ngayon?” wika
niya sa akin.
“Eto, maghahanap parin ng matutuluyan. Tara, sabay ka na sa
akin. Itatawid na kita.” Mukang taga dito si Miss Byu, baka swertehin at
mapatuloy pa ako sa kanila kahit hanggang sa mga upuan na lang sa labas ng
bahay nila.
“Marunong ka ba niyan?” Tanong niya sa akin habang sumasakay
sa bangka at nginunguso ang sagwan.
“Oo naman! Lagi ko kayang pinapanuod ang mga ito sa TV. O
siya, tara na!” aking pagmamalaki sa kaniya.
Walang anu-ano’y nagsagwan ako gamit ang aking natitirang
lakas sa unang pagkakataon at matagumpay ko itong nairaos! Dagdag pogi points
ito sigurado. Isang taga Maynila na agad natuto mamangka. Nasa kalagitnaan na
kami ng aming pamamangka ng mamalayan nalang namin na may matatamaan pala
kaming nakausling puno. Marahil ay natangay ito ng bagyo kaya naka balagbag ito
sa gitna ng ilog.
“Diay banger manong! Diay bangeeeer!” - (Sa kabila
manong! Sa kabila!)
Pasigaw niyang sabi sa akin! Sa pagkataranta ko ay hindi ko
na alam ang gagawin kaya tumama kami sa punong nakasagabal sa ilog at nahulog.
Kahiya-hiya man, hindi ako marunong lumangoy kaya ako ang
kaniyang sinagip sa pagkakalunod kasama ng ilan niyang gamit. Mga pinamili lang
ang kaniya kaya agad niya itong nabawi subalit ang mga gamit ko ay isa isa nang
nagkalat sa malawak na ilog. Ang mga nailigtas ko na lamang ay ang aking
cellphone, pera, at ang kasalukuyan kong damit na kung hindi ko suot ay nasa
aking bulsa.
Pag daong namin sa ilog, humingi ako ng tawad kay Miss Byu
sa nangyari at inaya niya ako na tumuloy muna sa kanilang tahanan. Pag dating
namin doon, ay agad kong napansin na wala ng ilaw sa labas ng kanilang tahanan.
Yun bang parang makikita mo sa mga horror movies na may malabong ilaw ang tahan
at wala ng ilaw sa labas. Pawang nasa loob na lahat ng tao at mga aso na lang
at ang mga malalaking paniki ang naglipana sa paligid.
Laking gulat ng kaniyang mga magulang at kapatid ng makita
siyang basang-basa. Dali-dalli siyang nilapitan ng mga ito at kinuha ang
kaniyang mga dala. Kumakain sila noon ngunit lahat sila’y napatigil at agad
siyang inasikaso. Nag-usap sila sa salitang ilokano kung kaya wala na akong
masundan sa mga nangyayari. Nang maiakyat na ng mag-anak si Miss Byu sa kwarto
upang makapag ayos at magpalit ng damit, ay siya namang paglapit sakin ng
kaniyang tila nakatatandang kapatid na lalaki.
“Sumama ka sa akin, magpalit ka narin.” wika nito.
“Salamat po. Pasensya na po sa abala”
“Ano nga palang pangalan mo? Taga saan ka? Pano at bakit ka
nakarating dito sa amin?” Kanyang pag-uusisa.
Sa dami ng tanong, pakiramdam ko tuloy makakasuhan ako sa
mga nangyari. Kaya agad-agad ko nalang ito sinagot.
“Elmer po ang pangalan ko, taga Maynila at naisipan ko lang
po magbakasyon dito sa lugar ninyo.”
“Mga taga Maynila talaga, dayo ng dayo wala namang
siguradong pupuntahan. Hindi pa ba kayo masaya sa buhay niyo sa siyudad?
Masagana kayo doon hindi ba? … Franco nga pala..” Yan ang mga nabanggit niya sa
akin habang hinahanapan ako ng damit sa isang kabinet na nasa labas ng mga
silid.
“Gusto ko lang makalimot pansamantala”
“Mukang mabigat yang dinadala mo bata… Ilang taon ka na ba
at tila pasan mo na yang daigdig? May nabuntis ka ba at tumatakas ka lang?”
“Hindi naman po, away pag-ibig lang. Hindi lang kami
nagkasundo sa ilang bagay kaya magulo ang kinahinatnan.”
“Para naman kayong mga bata” Habang inaabot niya sakin ang
mga damit na tingin niyang magkakasya.
Habang nagpapalit ako ng damit ay kinalas ko na ang aking
cellphone upang mapatuyo. Umaasang gagana pa ito makalipas ang ilang oras
kasabay ng pagsasampay ng mga natitira kong pera sa upuan malapit sa bintana.
Pagkalabas ko ng silid ay nasa sala na ang mag-anak kasama
si Miss Byu. Mukang ako ang pinag-uusapan.
“Ilang taon ka na nga uli iho?” Tanong sakin ng kanyang ama.
“25 po.” Habang papalapit sa isang bakanteng upuan malapit
sa pamilya. Umiinom ang ama at ang anak na lalaking nagpakilalang si Franco at inalok
nila akong tumagay. Sa ginaw narin siguro na aking nararamdaman ay hindi na ako
tumanggi.
“Kaidad mo lang pala itong si Lyka” wika ng amang mukang
medyo nahihilo na sa dami ng kaniyang nainom.
Ang isa pang binata na kapatid nila ang tila taga masid kung
ano ang maaari kong gawin. Kung isa ba akong masamang tao o isang taong
mapagkakatiwalaan. Nakakailang siyempre. Pakiramdam ko talaga’y isa akong
kriminal na minamatyagan ng napakaraming mata. Buti nalang nabanggit ng ama ang
pangalan ni Lyka. Kahit papano’y malaking bagay na iyon.
Sa kalagitnaan ng aming kuwentuhan ay nangangati nanaman ang
aking lalamunan na humahanap ng usok ng sigarilyo. Hindi ko tuloy naiwasang
magtanong.
“May yosi ho ba kayo dito? o malapit na tindahan?”
“Sa bayan pa ang mga tindahan dito, walang naglalakas ng
loob na mamuhunan dahil wala namang tao sa paligid kaya bagsakan kami kung
mamili.”
“Badtrip naman, bakit ba kasi naglakas loob pa akong
mamangka kanina.” wika ko sa aking sarili habang pilit na nilalasap ang aking
mga labi sa kung ano mang natirang lasa ng sigarilyong patuloy ko ng hinahanap.
Alas-11 na ng gabi ng makatulog ang mag-ama at ng alukin ako
ni Lyka ng isang tulugan na malapit sa may pinto. Wala daw kasi silang sobrang
silid para sa mga bisita kaya sa sahig sila natutulog kapag may mga dumarating
na kamag-anak.
Buhay na buhay parin ang mga tradisyong Pilipino sa tahanang
ito. Buti narin sigurong nalaglag kami sa bangka kanina kaya narito ako ngayon
at kusang loob nilang tinanggap bilang panauhin. Nagpasalamat ako kay Lyka at
humiga narin sa binigay sa’king tulugan.
Ala-una ng madaling araw ay nagising akong muli. Hinanap ko
ang aking cellphone at dali-daling
tinignan kung magbubukas ito. Awa naman ng Diyos at ito’y gumana! Lumabas ako
ng bahay nila Lyka upang makahanap ng maayos na signal. Nagbabakasakaling
hinahanap narin ako ng aking sinisinta.
Habang ako ay nasa damuhan sa labas ng tahanan nila Lyka ay
tumabi siya sa akin.
“Masarap bang mag mahal?” pag-uusisa niya sa akin.
“Oo naman. Masaya, masarap, minsan siyempre dumadaan din sa
pagsubok. Bakit? Hindi ka pa ba nagmahal?”
“Dati, tumigil na ako. Pare-pareho naman karamihan ng mga
lalaki. Mga manloloko sila.”
“Maka-lahat ka naman, kala mo nakilala mo na lahat ng
lalaking nabubuhay.”
Kung ako ang tatanunging, hindi ko maisip kung pano magagawa
ng isang lalaking lokohin ang isang gaya ni Lyka. Para sa mga kaliweteng
lalaki, masasabi mong si Lyka na yung tipong pagmamalaki mo at magpapatino
sa’yo kahit itsura lang ang pagbabasihan. Pano pa kaya kung pati ugali.
“Accounting Graduate ako. CPA narin ako ngayon. Pero hindi
parin naging sapat yun sa kaniya.”
Wow, na “Forever Alone”
ata tong si Lyka mula nung huling pag-ibig niya.
“Kayo? Anong naging problema?” patuloy niyang pag-uusisa…
“Wala naman, siguro nga binulag ko lang siya. Kaya pati yung
pagbabago ko hindi na niya makita.”
“Manloloko ka rin pala…” matumal niyang naging sagot sa
akin.
“Nagbabago naman ang tao. Puwede pa namang magbago ang tao.”
pilit kong sagot sa kaniya.
“Kung talagang mahal mo siya, bakit ka nandito ngayon? Bakit
hindi mo ipakita yang pagbabago mo?”
“Ginawa ko naman na lahat. Wala talagang nangyayari.”
pagalit kong sagot.
Tumahimik kami ng ilang minuto at sabay naming tinignan ang
mga bituwin sa kalangitan kasama ng isang napakaliwanag na buwan.
“Nakikita mo ba yang mga bituwing yan sa Maynila?” tanong
niya sa akin.
“Hindi eh. Masyado nang marumi ang kapaligiran ng Maynila.
Marahil inayawan na ng mga bituwing manatili doon.”
“Alam mo ba na ang mga bituwing iyan ay nasa Maynila rin?
Hindi lang natin sila makita dahil sa dumi ng ipinapakita natin sa kanila.
Parang sa sitwasyon niyo rin. Hindi niya makita yung pagbabago mo dahil nasa
dilim pa siya ngayon. Nasa kanya pa yung alaala ng nakaraan.”
“Ginawa ko naman na lahat para makalimutan niya yung mga
iyon.”
“Sumusuko ka kasi, kaya hindi niya ito malimot. Hindi lang
naman pag-ibig ang bumubuo at nagpapatibay sa isang relasyon. Kasama doon yung tiwala
at mga pangako niyo. Yung mga hirap at sayang naranasan niyo.”
“Hindi niya matututunan yung halaga ko kung hindi ako
mawawala sa kaniya.” – agad ko namang pag kontra sa pahayag niya.
“Pag matagal kang nawala… Makakalimutan ka narin niya…” yan
ang mga huling sinabi sakin ni Lyka at bumalik na siya sa loob ng kanilang
tahanan. Pag gising ko ng umaga ay agad akong naghanda para makabalik ng
Maynila. Nagpasalamat ako kay Lyka maging sa pamilya nito at umalis bitbit pa
ang damit na kanilang pinahiram sa akin.
Habang ako ay nasa bus, inisip ko ng puntahan ang aking
sinta at makipag-ayos sa kaniya. Ngunit kalakip ng desisyong ito ang mga huling
katagang binitawan ni Lyka sa akin.
“Pag
matagal kang nawala, makakalimutan ka narin niya…”
Habang papalapit ako ng papalapit sa tinutuluyan ng aking
mahal, ay patuloy na umiindayog ang aking dibdib na tila ba nalalapit na sa
aking huling hantungan.
Pag katok ko sa pinto ng bahay na aming pilit na pinundar ay
ang pagsalubong ng isang ngiting nagmula sa isang lalaking hindi ko kailanaman
nagisnan, at habang ako’y nakatulala ay ang paglabas din ng aking sintang
payakap na tumalon sa lalaking aking naabutan…
~ WAKAS ~
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na Taon) sa kategoryang "Maikling Kwento"
Sponsors:
0 comments:
Post a Comment