Ang Daan Pauwi


(Image Credit to fotopedia.com)
Ako si Pedro, isang bagong bukadkad na paru-paro. Nagpapatuyo pa lamang ako ng aking mga pakpak sa ngayon upang maging madali ang aking paglalakbay sa paghahanap ng iba ko pang kaanak.

Lima kami sa punong ito, at isa nalang sa amin ang hindi pa nakakalabas sa kaniyang cocoon. Habang amin siyang hinihintay ay nagkwentuhan muna kami ng ilan pa naming mga kasama.

“Pedro! Anong nakasulat sa liham na iniwan ng iyong ina?” Tanong sakin ng kasabayan kong si Linda.
“Gaya rin lang naman ng iba pang sulat na nagsasaad kung saan natin sila matatagpuan at mga gabay upang magpakatatag.”

Isa ng tradisyon sa aming mga paru-paro na iluwal sa parehong lugar kung saan nagsimula ang aming mga magulang. Marahil ang tradisyong ito ay ginawa upang malaman kung sino ang malalakas na makahahanap muli sa aming mga magulang o sa iba pa naming mga kasamahan.

Sa mundong aming iniikutan ay ang mga matatalino’t malalakas lamang ang natitira. Hindi kasi tinatanggap ng mga angkan ang hindi nila kakilala. Kaya’t ang mga hindi nakasusunod sa mga panuto na iniwan ng kanilang mga magulang ang siyang naiiwan at lumalaking mag-isa.

“Haaah…” mahabang hikab habang nagiinat ng aming pinakahihintay na si Jose.

“Ayun! Buti nalang at lumabas ka na… Magpahinga ka muna sandali at maya-maya pa’y aalis na tayo.” Bungad sakanya ni Linda.

“Eto naman, kakabangon ko palang aalis na agad tayo.” Sagot naman niya.

“Kung nagpahinga ka kasi ng maaga magkakasabay sana tayong lumabas.”

Bago pa man kami maging mga paru-paro ay sadyang hindi na nagkakasundo ang dalawang iyon. Si Linda ay iyong babaeng paru-parong palaging sumusunod sa mga panuto ng mga nakatatanda. Kung binabantayan kami ng angkan namin ay iisipin ko talagang sumisipsip lang siya upang pumabor ang lahat sa kaniya samantalang si Jose naman ay yung tipo na masaya na sa kung ano mang nakalatag sa kaniya.

Siyempre sa aming tatlo, ako naman yung matuturing na panabla. Hindi man ganun ka masunurin, hindi rin naman ganoon kapasaway.

Makalipas ang tatlong oras na paghihintay ay nakahanda na kaming tatlo. Nagpaalam na kami sa dalawa pa naming kasama at sabay-sabay kaming lumangoy sa himpapawid.

Iniwan na namin ang luntian naming tahanan na punong-puno ng prutas at nagpaalam narin kami sa iba pa naming nakasalamuha sa punong iyon. Buti nalang at pinaghandaan talaga ng aming mga magulang ang paglalagyan sa amin kung kaya malayo kami sa panganib na maaring idulot ng iba pang nilalang sa aming paligid.

“Ganito pala ang pakiramdam ng lumilipad.” Aking wika sa kanilang dalawa.

“Haha! Muka ka pa ngang natatakot eh! Nanginginig parin ang mga pakpak mo oh!” Tukso naman sa akin ni Jose.

“Maari bang bigyang atensiyon muna natin ang ating pupuntahan? Makakapagsaya rin naman tayo pagdating natin doon.” Agad namang basag ni Linda sa aming katuwaan.

Sa asul na kalangitan ay makikita mo ang mga puting ulap na tila ba nagpapahinga ang mga ito at sa ibaba naman ay iba’t iba pang may buhay gaya ng mga luntiang puno, matitingkad na daluyan ng tubig at iba’t-iba pang mga nilalang.

Sa gitna ng aming paglalakbay ay may nadaanan kaming isang hardin ng mga humahalimuyak na bulaklak na tila ba humahatak sa amin upang tunguhin ang mga ito.

“Tara! Puntahan natin iyon!” Agad na sigaw ni Jose sa amin.

Ngunit bago pa man makasagot si Linda ay nakababa na siya sa hardin na nasa loob ng isang malaki at saradong bahay. Makikita mo ang labas at loob nito kaya medaling nakakadaloy ang sikat ng araw upang mabigyang lakas ang mga halaman.

“Ano ba naman iyang si Jose! Hindi pa ba siya masaya na makakabalik na tayo sa atin?”

“Hayaan mo na, sasaglit lang din naman tayo dito. Sayang naman ang biyayang hatid sa atin ng mga bulaklak na iyon.”

Bumaba narin kami ni Linda at namili kami ng mga bulaklak na aming pupuntahan. Habang nagpapalipat-lipat kami sa mga bulaklak ay nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam na tila ba’y may nagmamatiyag sa amin.

Sinubukan ko silang ayain ngunit hindi talaga namin mahatak si Jose sa saya nito sa kaniyang naabutan.
Habang umiinom si Jose sa katas na bigay sa kaniya ng namumulang bulaklak ay nangyari na ang hindi inaasahan.

Isang malaking lambat ang sa kaniya’y papalapit!

Mabilis ang paggalaw nito! Maaring mahuli si Jose sa kaniyang lugar ngayon!

“Aaaah!!!!” Sigaw ni Linda

Naitulak niya si Jose mula sa kamay ng isang taong nagnais na sila’y hulihin ngunit hindi naman niya nailigtas ang kaniyang sarili. Dali-dali kaming lumabas sa hardin na iyon at lumipad papataas habang isinisilid si Linda sa isang kulungan.

“Kasalanan kong lahat ito!” Galit na sigaw ni Jose.

“Wala na tayong magagawa sa sitwasyon Jose. Mahirap makipagsapalaran sa sitwasyon natin ngayon kung babalik tayo kay Linda.”

“Kung nakinig lang sana ako sa kaniya ay naroon na siguro tayo sa lugar ng ating angkan.”

Habang namumugto ang kaniyang mga mata ay nakaisip ako ng ideya mula sa nabanggit ni Jose kung kaya’t agad ko siyang hinatak at lumipad kami papalayo sa hardin.

“Saan tayo pupunta? Paano si Linda?”, tanong niya sa akin.

“Saan ba tayo dapat pumunta?”

“Eh papaano si Linda!? Hindi na siya makaalis doon!”

Pagdating namin sa angkan ay agad akong lumapit sa aming pinaka pinuno. Lumuhod sa kaniyang harapan at nagmakaawa upang matulungan kaming mapalayang muli si Linda.

“Babae si Linda. Mahalaga ang gaya niya sa ating angkan sapagkat siya ang magdadala ng mga susunod pang henerasyon!” Aking pilit sa pinuno.

“Kung tayo’y pupunta sa kaniyang kinalalagyan ay mas malaki ang posibilidad na maubos ang ating angkan.”
Kahit anong pilit ko sa aming pinuno ay patuloy itong nag matigas at pilit na iwinaksi ang aking mungkahi.
Habang ako ay nasa arko ng aming tinutuluyan ay lumapit sa akin si Jose kasama ang labing-apat pang mga paru-paro.

“Anong plano mo? Saan mo sila nahanap?”, aking pag-uusisa sa kaniya.

“Naikwento ko sa kanila ang nangyari at napapayag silang sumama at iligtas si Linda.”

Walang anu-ano’y agad kaming nagtungo muli sa lugar kung saan naroon at nakakulong si Linda. Nakita namin siya sa tabi ng mga halamang nakapaso at agad kaming nagplano.

Pinapuwesto agad namin ang lima sa aming mga kasama sa iba’t-ibang mga makukulay na bulaklak at kaming mga naiwan ay matiyagang nagmasid at naghintay sa muling pagsulpot ng nasabing lambat na siya ring humuli kay Linda.

Hindi pa man kami nainip ay dumating na ang aming hinihintay!
“Iwaaas!” sigaw ng isa sa mga kasamahan namin.

Dumating ang lambat sa gawing kanan, mabilis itong naiwasiwas at kaakibat nito ang isang malakas na bugso ng hangin.

Habang iniiwasan ito ng ilan sa aming mga kasamahan ay dali-dali naman kaming pumunta sa lugar na kinasadlakan ni Linda.

“Anong ginagawa niyo dito? Delikado, andiyan lang siya sa paligid!” Galit na tugon niya sa amin.
“Tara na!”  Sigaw ni Jose. “May mga umaasikaso na sa kanya.”

Habang nililito ng aming mga kasamahan ang may hawak ng lambat ay lahat naman kaming naiwan ay pilit na pinipihit ang hawakan na siyang natitirang balakid sa pagitan ni Linda at ng kaniyang kalayaan.

Pinihit namin ang hawakan nito pakanan, pakaliwa, pataas at pababa. Hinatak namin ito ng sabay-sabay hanggang sa maabot namin ang aming pinakahihintay na tagumpay.

“Bilisan natin habang hindi tayo napapansin ng nakahuli sa’yo.”

At habang nagmamadali kaming lahat ay sineniyasan na namin ang lima pa naming mga kasama na tapos na ang misyon. Kaya agad ng umangat sa paglipad ang mga ito at iniwang nalulugmok sa kaniyang kahibangan ang may hawak sa lambat.

Habang kami’y lumilipad pabalik sa aming angkan ay nagsama-sama muli  kaming tatlo. Si Jose, si Linda at ako.

Mangiyak-ngiyak na nagpasalamat si Linda sa amin at agad namang naayos ang lahat.
Humingi rin ng tawad si Jose sa katigasan ng kaniyang ulo at tuluyan na kaming tumungong muli sa aming angkan.

Sa pagbabalik namin sa angkan ay sari-saring batikos at galit mula sa aming mga pinuno ang aming nalasap mula sa kanila. Hindi narin naman siguro ito bago dahil sa pagsuway namin sakanila.

Matapos ang ilan pang araw ay sabay-sabay uli kaming bumalik sa aming lugar ng kapanganakan. Sinamahan namin si Linda at ang napang-asawa nito sa pagsisilang niya sa kaniyang mga supling at doon ay nag-iwan kami ng isang liham sa tabi ng mga ito.

“Para sa mga susunod na henerasyon…
Sumunod sa mga panuto at wag sumuway sa mga paalala sainyo.
Magkikita tayong muli upang dugtungan ang isang natatanging kuwento.
Mag-iingat kayo.
Nagmamahal,
Jose, Linda at Pedro”

~ END ~

Ito ay  lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na Taon) sa kategoryang "Kwentong Pambata"

Ang Saranggola Blog Awards 2012



ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng 



Sponsors:



0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...