=== SA LAHAT NG BAGAY ===
Sa lahat ng bagay, iyong pag-igihan
Hindi lang sa iisa, hindi lang sa iilan
Marami kang kayang gawin kaibigan
Ang sarili'y 'wag mong limitahan
Pag-igihan mo sa bahay, sa trabaho't lipunan
Ang iyong pagkatao'y may likas na kakayahan
'Wag kang susukong tumuklas
Na tila isang batang musmos na sabik lumakas
Batang wala pang muwang
Batang walang kapaguran
Batang gagawin ang lahat
Maabot lang ang nais sa kawalan
Sa lahat ng bagay, pag-igihan mo lang
Hindi ka nag-iisa. Hindi ka lubusang nag-iisa
May gagabay sa'yo, maghanap ka lang
Kaibigan o pamilya, maabot mo 'yan
=== ALPABETO ===
Isa, dalawa, tatlo,
A Ba Ka Da; ito ba'y natatandaan mo?
O aking kaibigan, samahan mo ako
Halina't magbasa tayo at unawain ito
Angat man ang tingin natin sa'ting mga sarili
Bagkus ang katotohana'y hindi laging ganoon
Kapag sa pag-unawa'y hindi natin pinag-igihan
Dali dali rin tayong bubulusok doon sa lansangan
Espadang halintulad ng ating salita
Gamay lang naman ang natanggap ng karamihan sa madla
Hanggang saan lang ba ang ating kakayahan?
Ito ba'y tatanggapin lang natin ng malugod sa kalamnan?
Lagi tayong nagiging laman ng balita
Matagumpay sa lahat ng anggulo, mabuti man o masama
Narito ako ngayon upang tumugon sa inyo
Ngayong araw, ay unawain naman natin lahat ng salitang laman ko
Oras na para bumangon, tasahan muli ang ating mga isip
Pasasaan ba't tayo rin naman ang makikinabang
Raragasa ang pagpapala, sumalungat lang sa ihip
Sa ihip na nagsabing ang ating pag-unawa'y walang 'sing liit
Tayo na't huwag ng ipagpabukas
Unawain ng mabuti ang mensaheng dinaanan ng mga mata
Wari'y dito nakasalalay ang buhay na tinatamasa
Yaman na mula noo'y nasa atin lang pala
~ • ~
=== AKO AY SI ===
Kailan?
Kailan nga ba natin dapat simulan?
Mga bagay na hindi dapat tinangkilik
Mga pag-uugaling dapat wakasan
Bakit nga ba lagi kang kuntento?
Sapat na b'ang isang kahig isang tuka?
Mga pangarap mong nanatili lang sa ulo
Ni pagsilab ng apoy ay hindi mo tinangka
Juan, Juan, Juan
Hanggang riyan ka nalang ba?
Tamad na ginawa mo ng apelyido
Talagang isinabuhay at isinapubliko mo pa
Bawat isang sinasalamin ng ngalang ito
Parang awa niyo na, mahiya naman kayo
Ilang dekada na ang lumipas
Iba naman ang ipamana natin sa susunod na siglo
=== TALANGKA ===
Utak talangka na ang direksyo'y pababa
Kumusta ka na ba? Ang tugatog ng buhay b'ay narating mo na?
Sa ilalim ng iyong mga paa'y sinu-sino na ba sila?
Mga kaibigan? Kapatid? Ilan na bang pamilya?
Kung sa pang-unawang pangtao'y meron sila
Marahil sa iyong pintua'y naroon at kumakatok na
Hitik sa bunga ng poot at galit
Sa sahol ng pagkukumpara ng ngalan nila
Oportunista't manggagantso
Ano pa bang gusto mong itawag sa'yo?
Bagong taon, bagong lolokohin lagi ang pakana mo
Sa may pakinabang ka lang naman magaling hindi sa mga sariling paa mo
Bayanihang kinaligtaan, paubos lang ang mga kubo
Umangat ka kung iyong nais pero 'wag kang humatak pababa ng tao
May panahon ka pa, ikaw na syang tinatamaan
Tandaan mong sa isang iglap, paghinga'y maari ka ring mawalan
~ • ~
Ang mga akdang ito ay lahok sa sa Saranggola Blog Awards 11
0 comments:
Post a Comment