Dulo ng Pangarap - Part 3


“Tatawagan ka na lang uli namin”.

Mula sa kinauupuan ay tumayo na si Jepoy at tumungo sa susunod nitong interview. Alas-dose pa lamang ng tanghali at tatlo na ang nagsabi sa’kanya na tatawagan na lamang muli siya. Ilang araw na itong paulit-ulit na nag-aapply ngunit hindi parin ito natatanggap sa tila libu-libong kumpanyang sinubok niyang pasukan.


Pagdaan niya sa isang nagbebenta ng sigarilyo ay napansin nito ang isang pamilyang nakatira sa kariton. Naalala niya ang kaniyang magiging mag-ina habang pinagmamasdan ang pamilya.


“Pabili nga ho ng Marlboro lights”, habang patuloy na pinagmamasdan sa kabilang kalye ang pamilya.
“Matagal na sila diyan iho, palipat-lipat ng puwesto para hindi madampot ng awtoridad.”, wika ng tinderang nakapansin sa kaniya.


Nabigla siya sa winika ng tindera at nagiwan na lamang siya ng ngiting hindi man lang bumatak sa matingkad  niyang mukha na niluluto ng araw. Habang naglalakad patungo sa susunod na kumpanya ay naalala muli niya ang paparating niyang pamilya at kung paano nito ilalahad sa kaniyang mga magulang ang nangyari.


Matapos ang isang maghapon ay dumalaw naman si Jepoy kay Kristina.


“Kumusta ang pakiramdam mo? Nabanggit mo na  ba?”, paguusisa ni Jepoy.
“Hindi ko kaya mahal. Alangan namang ako lang mag-isa ang magsabi.”
“Sige po… Pag nakahanap na ‘ko ng trabaho, sasabihin na agad natin sa kanila.” Tugon naman ni Jepoy sa nag-aalalang si Kristina.


Matapos ang hapunan ay umuwi na si Jepoy sa kanila at pagdating sa tahanan ay ang tila M-16 na bibig ng ina nito ang sumalubong sa kaniya.


“San ka nanaman nanggaling? Anong oras na? Naghanap ka ba talaga ng trabaho?”, galit na tinig ng kaniyang ina.
“May interview po uli ako bukas, galing po akong Makati kanina.” malamyang sagot ni Jepoy.
“Tapos? Wala namang tumatanggap sa’yo. Hindi ka man lang makatapos. Ba’t hindi ka na lang kaya mag construction ng makatulong ka naman?”, tuloy-tuloy na wika ng kaniyang ina.


Makalipas ang isang oras na pagsalo nito sa mga bala ng kaniyang ina ay nagpaalam itong bibili lang sa tindahan at bago pa man nakasagot ang kaniyang ina ay nakaalis na ito. Pagdating nito sa tindahan ay naroon ang kaibigang si Carl.


“Ate! palista pa ng isang mucho.”, pagmamadaling hingi ni Carl nang makita si Jepoy na paparating.
“Inom nanaman pre? Baka naman masobrahan ka niyan.” wika ni Jepoy sa kaniya.
“Ano ka ba, kaw nga ‘tong kulang sa alak kaya ganiyan ka eh.” pabiro naman nitong sagot.
“Haha. May interview pa ko bukas eh. Alam mo naman ang sitwayon ko.” Tipid naman nitong sagot.


Naubos man ang dalawang kaha at tatlong mucho sa napakaikling oras na kanilang pinagsamahan ay walang nagbago sa tahimik na si Jepoy. Kahit ang panghihiram ng konting tapang sa serbesang naihain ay hindi man lamang napagbigyan ng mga sandaling iyon. Matapos ang kwentuhan ng magkaibigan ay ihinatid na ni Jepoy si Carl sa kanila dahil sa pahugis “S” na nitong lakad. Nakarami na kasi ito bago pa man siya dumating sa tindahan.


“Tol, hindi mo na ko kailangang ihatid. Hindi pa ko lasing.”, malakas na wika ni Carl.
“Magkasabay na tayong lumaki. Alam kong sa tapat ka nanaman ng pinto matutulog.”, tugon naman sa kaniya ni Jepoy.


Nang makauwi na si Jepoy ay nagsindi muna uli ito ng huling stick ng yosi sa tapat ng pintuan ng kanilang tahanan bago tuluyang dumeretso sa higaan. Habang pikit ang mga mata’y naisipan na nitong tumawag sa Panginoon.

Panginoon, salamat pong muli sa araw na ito. Sana po’y tulungan niyo ako at ang magiging mag-ina ko. Na matanggap siya ng aking mga magulang at sana’y matanggap narin po ako kahit isa lang sa aking mga sinubok na applyan. Alam ko pong may plano kayo para sa amin at hindi niyo kami pababayaan. Maraming salamat po muli Panginoon. Sana’y tugunin niyo na po ang aming mga kahilingan.

Sa pagod narin sa maghapon at sa halo ng espirito ng alak ay hindi na natapos ni Jepoy ang kaniyang panalangin. Pagkagising nito ay alas-otso na ng umaga.


“Anak ng, late na ko!”


Wala ng tao sa bahay, nakaalis na ang ina nito maging ang kaniyang ama ay nasa trabaho narin. Gaano man kabilis ang kilos niya ay hindi na siya umabot sa una niyang interview matapos maipit sa matinding gusot sa EDSA. Nakarating siya sa tapat ng kumpanya pasado alas-diyes na ng umaga. Dinapuan na siya ng hiya kung kaya nama’y ang paglalakad-lakad na lamang ang naisipan niyang gawin habang patuloy sa pagtatanong sa mga makitang establisimyento kung may mga bakanteng pwesto. Kung hindi tumatanggap ng under grad ay puro walang bakante naman ang kaniyang napagtanungan.


Matapos ang ilang araw na patuloy na pag-aapply ay nakapasok narin si Jepoy ng trabaho. Malayung-malayo man ito sa linya ng kaniyang pinagaralan ay tinanggap narin niya ito sa pag-aalalang baka hindi siya makaipon ng sapat para sa darating na kabuwanan ng kaniyang kasintahan. Habang matamlay na naglalakad siya pauwi ay namataan siyang muli ni Carl mula sa lumang tindahang kanilang tinatambayan.

“Pahinga muna brad. Tara shot!”, bati sa kaniya ni Carl.
“Paldo ka sa alak ah? Baka naman hobby mo na ‘yan?”, tanong ni Jepoy sa kaniya.
“Hindi naman pre. Nagrerelaks lang. Hindi pa naman tayo ganun ka-tanda.”, masiglang sagot ni Carl.
“Haay, mas mabuti naring handa pre. Ang hirap kaya magkapamilya.”
“Wag mo na nga munang isipin ‘yan. Iba nanaman ang tinatahak ng isip mo eh. Kumusta ba trabaho?”
“Ayun, tinalakan nanaman ako ng bisor ko.”, habang nilalasap ang basong inihain ng kaibigan.
“Bakit? Sablay nanaman ba pagkakalinya mo?”
“Malamang, wala namang nagtuturo sa’kin. Sino ba namang may sabing madali mag construction.”


Bago pa matapos ang gabi’y nabago ang ikot ng mga pangyayari. Sa unang pagkakataon, si Jepoy na ang nakatulog sa lamesitang naging saksi ng ilang libong eksenang naganap mula noong kanilang kabataan. Mula sa mga gulong kanilang nakasangkutan, maging sa paghandusay nila sa kalsada sa tindi ng kalasingan at sa gabing ito, si Carl na ang naghatid kay Jepoy patungo sa kanilang tahanan.


… itutuloy …

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...