Sa ngayon, hindi pa umaagos ang ideya sa akin matapos tumugma ng ilang
pagsasaliksik na nabibilang umano ako sa mga taong kasalukuyang “Depressed”
kung kaya nama’y naisip kong magsulat na lamang ng kahit anong pumasok sa aking
isipan. Tingin ko’y karugtong ito marahil ng aking isinulat noon na “Alab ngKasalanan.”
Kagabi, nabanggit sa’kin ng isang kakilala ang mga katagang marahil ay
pamilyar na pamilyar na sa ating mga tenga.
“Nauulit ang isang beses na pagkakasala.”
Hindi ko malaman kung dapat ba ‘kong masaktan o di naman kaya’y matawa
na lamang dahil magkaiba kami ng pananaw. Isang babae ang nagsabi sa akin ng
mga katagang iyon sa kadahilanang napagusapan ang pamamangka ng kalalakihan sa
dalawang ilog at sa unang pagkakatao’y umamin ako sa iba sa nakaraan kong
pagkakasala.
Hindi naman naging kami pero habang mayroon akong kasintahan ay mayroon
din akong ibang babaeng pinahalagahan at nakaramdam din ako ng saya sa tuwing
kami’y magkakausap o magkakasama gaya ng mga panahong pinagsasaluhan namin ng
aking sinisinta. Naging magulo ang isang taong iyon, at ang mga sumunod na taon
ay ang patuloy na pag-alab ng kasalanang aking nasimulan. Ang limang taong
pagsisi’y hindi pa naging sapat upang mapatanag siyang muli at hindi na muli
ako pagdudahan. Limang taon hanggang sa kasalukuyan, nabawasan man ang
pagtatalo ay hindi parin maaalis ang bahid ng kasalanang aking iniwan.
“Nauulit ang isang beses na pagkakasala.”
Kung ang katagang “Ako’y hamak na tao lamang kaya ako nagkakasala” ang
pagbabasihan, hindi ba nagiging dahilan na lamang ito upang makalusot sa mga
gusot na kasasangkutan? Oo nga’t walang taong perpekto, ngunit hindi ba sapat
ang isang pagkakamali upang ika’y matauhan at matuto? Ngumiti na lang ako
matapos ang gabing iyon. Kung sabagay…
“Hindi na nauunat ang gusot na papel”
Pwede rin namang….
“Ang basag na salamin ay hindi na muling naibabalik sa dati”
Masakit mang isipin, mahirap baguhin ang takbo ng buhay. Magsisi ka man
hindi na maaalis ang bahid ng kasalanan na naidulot ng mga bagay na ginawan mo
ng marka. Minsan, may nabasa akong isang status sa Facebook…
“You will never regret the things that make you happy”
Yes, I enjoyed the company. But I regret the pain it gave to the woman
I love. Sayang, hindi ko na maibalik yung dating kami. At sa likod ng mga
lenteng nakakahagip sa mga ngiting aming pinagsasaluhan ay ang pait na sadyang
hindi na maikukubli ng panahong pinaglumaan.
Isang senyales na hindi man lang nauso
Na kung matutupad ay maaring makapagpabago
Upang malimot ang idinulot sa mga nabaling pangako
Para sa bagong simula na ninais ng lahat ng tao
0 comments:
Post a Comment