"Ma, nandito na 'to.. Sana matulungan niyo nalang ako..."
------
Gabi ng huwebes, nakita muli ni Andrew si Jhen sa na nakatambay sa gilid ng kalsada malapit sa bahay nila. Namumugto ang mga mata nito at balisa na tila ba may hindi mawaring problema. Si Jhen ang babaeng matagal ng iniibig nitong si Andrew subalit hindi siya maka porma sa dalaga sapagkat lagi naman nitong kasama ang walang kwenta nitong nobyo. Sa ilang araw na tila paulit-ulit na eksenang sa mga kwento lamang naitatala, ngayong gabi nagkaroon ng lakas ng loob si Andrew upang lapitan ang dalaga.
"This is my chance! Ilang taon narin akong kabado na baka bastedin ako pero malabo ng maulit ang ganitong pagkakataon. Kailangang makausap ko na si Jhen."
"Hi, pwede bang tumabi sa'yo?"
Makalipas ang ilang segundong walang imik ay itinuring na ito ni Andrew bilang pag payag sa kanyang hiling. Huminga siya ng malalim at sinubukang kumustahin ang dalaga.
"Kumusta ka na? Anong proble-..."
"Manahimik ka nga! Sino bang nagsabi sa'yong lumapit ka? Hindi naman ako pumayag diba!?"
Muling bumuhos ang damdamin sa mata ng dalaga at hindi na nito napigilan pang umiyak. May kalakasan ang pag-iyak nito kung kaya nataranta si Andrew dahil may mga tao rin namang dumaraan lalo na't oras ito ng paglabas ng mga nagkalat na kabataan. Naisipan niyang tumakbo o lumayo na lamang sa takot na baka siya pa ang mapag-initan ng mga saksi sa pag-iyak ng dalaga ngunit muli nitong pinilit patatagin ang nararamdaman.
"Hindi pwede! Eto na ang aking huling pagkakataon... Dapat maging maayos ang lahat...", bulong ni Andrew sa sarili.
"Hindi mo ba naalala nung mga bata tayo, tayo daw ang bagay na magkatuluyan?", biglang singit ni Andrew sa patuloy na pag-iyak ng dalaga. "Hindi ba noon pa nga tayo ang madalas magkasama? Sa mga outing, recess kahit pa nga nung nadapa ka malapit sa clinic eh."
Unti-unting tumahan ang dalaga at tila nakikinig na lamang ito sa kwentong sinasambit ni Andrew. Nabuhayan ng loob si Andrew at pinagpatuloy pa ang pagkukwento.
"Naalala mo pa ba nung umamin ako sa iyo na gusto kita? At ang natanggap ko mula sa'yo ay isang malakas na..."
Sa sobrang pagkabigla ay napahandusay siya sa lakas ng suntok ni Jhen sa kanyang mukha. Nagulat si Andrew na tila nahihilo pa ng ayusin muli nito ang kaniyang pagkakaupo. Naging tahimik ang hangin sa pagitan ng dalawang magkaibigan. Dahan-dahan ngunit hindi kalakasan, tumawa ang dalaga. Unti-unti ngunit tila pigil hanggang sa pareho na silang nagtatawanan.
"Naalala mo parin 'yon? Alam mo naman ang sitwasyon natin. Magkaibigan lang talaga tayo.", pabulong ngunit malinaw na sinambit ni Jhen
"Alam ko naman na may pag-asa tayo eh. At sa nakikita ko sa sitwasyon mo ngayon, pwedeng ako ang maging kasagutan upang hindi na muli pang pumatak ang mga luha sa mga mata mo."
Punong-puno ng kumpiyansa ang binata. Ngayon lamang nito naramdaman ang lakas ng loob na tila ba nailubog na ng agiw sa kanyang kalooban.
"Mahal ko si Jake. Siya lang ang lalaking mamahalin ko."
"Pero niloloko ka lang niya at alam kong alam mo rin iyon!"
"Wala kang pakialam kung sinong mamahalin ko! Hindi mo ako maiintindihan!"
Ilang maaanghang na salita pa ang kumawala sa hawla ng dalawa ng umakma ng uuwi ang dalaga. Tumayo ito sa kanilang kinauupuan at dali-daling pinilit ng umalis ngunit agad naman itong hinabol ni Andrew at mula sa likuran ay niyakap nito si Jhen.
"Mahal na mahal kita. Iyon na lamang ang pinanghahawakan ko. Sana kahit 'yun nalang ang itira mo sa akin. Ang karapatang mahalin ka."
Papatak na sana ang mga luha ni Andrew ng may dumamping matamis na sampal sa kanyang mga pisngi mula sa sinisinta bago ito tuluyang umalis.
Pagkatapos ng insindente'y naging tahimik ang gabi ni Andrew. Malalim ang iniisip at tulalang nakatutok sa madilim na kalangitan. Habang patuloy ang mga madidilim na sandali ay naka tanggap ng isang mensahe si Andrew. Wala pa sana siyang planong kuning ang cellphone sa lamesita subalit napansin nitong si Jhen pala ang nagtext...
"Pasensya ka na ha? Hindi talaga pwede eh.
Malay mo sa susunod na buhay pwede na tayo.
Salamat nalang."
Sa hindi malamang dahilan ay tila kinilabutan si Andrew sa kaniyang nabasa kung kaya't nagmamadali itong tumungo sa bahay nila Jhen. Tumawag siya mula sa labas ngunit walang sumasagot o nagbubukas ng pinto ng bahay. Sinilip niya ang magkabilang gilid ng bahay at napansing bukas ang isang parte ng bahay. Kahit alam nitong pinagbabawal ang pagpasok ng walang pahintulot ay sinugod na niya ang bahay ng sinisinta at mula sa loob ay hinanap ang kwartong pinanggagalingan ng ilaw. Nang makita niya ang nasabing pinto ay sinipa niya agad ito upang mabuksan.
Gulat man ay napansin agad ni Andrew ang hawak ng dalaga. Isang lumang kwarentay singko na nakabalot pa sa isang transaparent na plastik. Ito'y nakatutok sa batok ng kasintahan ni Jhen habang nakayakap ito sakanya at bago pa makapag salita ang dalawang lalaki ay kinalabit na ni Jhen ang gatilyo.
Kasabay ng pag agos ng dugo na humalo sa tubig mula sa banyo kung saan ngyari ang pagpapakamatay ng isang dalaga'y naabutan nila si Andrew. Tulala at kasama ng dalawa sa banyo kung saan naganap ang pagkitil sa sariling buhay.
-----
Sa dinami-dami ba naman kasi ng pwedeng mahalin bakit kasi siya pa napili mo!? Matagal ka na naming binalaan 'di ba? Bakit hindi ka nakinig!? Ano pang magagawa natin sa sitwasyon mo ngayon!?
"Ma, nandito na 'to.. Sana matulungan niyo nalang akong makalabas dito o kaya mahanapan ng isang magaling na abugado."
~ wakas ~
0 comments:
Post a Comment