Sabado ng gabi, paalis na si Kristina sa opisina. Graduate
na kasi ito at si Jepoy nalang ang hinihintay para magsimula na silang bumukod
at magtaguyod ng sariling pamilya. Habang naglalakad kasama ang mga katrabaho
ay tumawag ito kay Jepoy.
“Mahal, birthday ni Rey ngayon. Pinayagan mo na po ako diba?”
“Sige po mahal, basta hanggang 10 PM lang ha?” Sagot ni
Jepoy.
“Mahal naman, kararating palang namin ng oras na yun.
Kasabay ko naman sila Micah na uuwi eh”
“Mahal, malayo pa uuwian mo. Makinig ka naman sakin. Babae
ka pa naman. Wag namang ganito.”
“Ang KJ mo naman mahal. Minsan na nga lang ako umalis eh.”
“Hays, sige po ikaw bahala. Malaki ka naman na.”
Siguro’y nainis itong si Kristina kaya’t binabaan na si
Jepoy at hindi na muling tumawag o nag text pa.
Makalipas ang ilang oras, alas dos na ng madaling araw.
Hindi parin makatulog si Jepoy dahil hindi pa nagpaparamdam itong si Kristina
sakanya mula nung huli silang magkausap.
Tinawagan niya ito ng ilang ulit ngunit talagang walang
sumasagot.
Patuloy niyang tinawagan ang numero ni Kristina hanggang sa
sinagot niya ito tatlumpung minuto ang nakakalipas mula nung mag alas-dos.
“Nasan ka na! Ano bang problema mo at ganyan ka! Diba usapan
natin uuwi ka na ng 10!?” Mataas ang tono ni Jepoy na tila ba walang ibang
natutulog sa loob ng kanilang tahanan.
“Mahal, wag ngayon. Bukas nalang tayo mag-usap. Nakainom po
ako.” Malumanay ngunit tila walang buhay
na sagot sa kaniya ni Kristina.
“Usapan natin iinom ka lang pag kasama mo ko ha!? Alas dos
imedya na! Hindi ka ba talaga makikinig sakin!?” Iritable paring sigaw nitong
si Jepoy.
“Bukas na tayo mag-usap mahal. Uuwi na po ako. I love you!”
Paulit-ulit na tinawagan ni Jepoy si Kristina ngunit wala na
muling sumagot sa kabilang linya. Nakatulog nalang si Jepoy sa sobrang
pagkainis sa sinisinta ngunit sadyang wala naman siyang magagawa dahil… Sabihin
na nating may katigasan ang ulo nito.
Alas diyes na ng umaga ng magising itong si Jepoy. Namamaga
ang mga mata at tila hindi makabangon sa
kapaguran. Inabot nito ang kaniyang telepono sa lamesita sa tabi ng kaniyang
kama at tinawagang muli ang numero ng sinisinta.
“Hello? Pauwi na po ako. Nasa biyahe na po.” Sagot sakanya
ng babae sa kabilang linya.
Nang marinig ito ni Jepoy ay napabalikwas ito sa kama sa
kanyang nadinig. Umagang-umaga’y malalakas na tinig nanaman ang sumaboy sa loob
ng kanilang tahanan.
“Kristina naman! Anong dahilan at hindi ka umuwi!? Hindi mo
na ba inisip ang magiging kapakanan mo!?” Sigaw nitong si Jepoy na halos
makapag palabas na ng mga kapitbahay sa lakas ng kaniyang tinig.
“Mamaya ko na po papaliwanag mahal. Nasa biyahe pa po ako.”
Wala paring sigla ang mga tinig ng dalaga. Iyon bang tila nauumay na sa
relasyon kaya isang tanong isang sagot nalang ang lumalabas sa kaniyang mga
labi.
Muli, wala nang sumagot pa sa kabilang linya kaya napilitan
si Jepoy na itigil ang pagtawag at pumunta nalang sa bahay nila Kristina.
Gabi na ng makarating si Jepoy kila Kristina. Mukang
nakainom ito sa tila ahas nitong paglakad sa kalsada. Pag pasok nito sa tahanan
nila Kristina, agad siya nitong sinalubong.
“Mahal, sorry po. Masama kasi pakiramdam ko kagabi. Magdamag
akong sumusuka at ang sakit ng tiyan ko kaya hindi na nila ko pinauwi.” Bungad ni
Kristina sa kaniya.
“Meron bang masama ang pakiramdam na nagawa pang uminom!
Kung magdadahilan ka naman mahal siguraduhin mo namang walang butas yang sasabihin mo.” Galit at madiin ang
pagkakabigkas ni Jepoy sa mga katagang ito na tila ba puro puot na lamang ang
namuo sa kaniya.
“I’m sorry…” ‘Yan nalang ang nasabi ni Kristina at doo’y
umagos ang katakut-takot na luha sa mga mata ni Jepoy. Nagkaayos ang dalawa
makalipas ang ilang oras ngunit hindi na nagawa pang tanungin ni Jepoy kung ano
ba talaga ang nangyari ng gabing hindi umuwi ang sinisinta nito.
Walang pasok si Jepoy ng araw na ito nang makarinig ito nang katok
sa pinto ng kanilang bagong tahanan. Nang buksan niya ito ay si Kristina ang
bumungad sa kaniya. Namumugto ang mga mata at tila hindi malaman ang gagawin.
“Bakit mahal? Anong ngyari?, nag-aalalang tanong ni Jepoy.
“Mahal, sorry… Buntis ako…” Pagkasabing pagkasabi ni Kristina ng
mga katagang ito ay siya rin namang pagbuhos ng luha sa kanyang mga mata.
Tulala si Jepoy… Hindi alam kung anong mga kataga ang dapat niyang
sabihin upang mapagaan ang loob ng kasintahan. Mahal niya naman ito at handa
siyang pakasalan ito anu mang oras
ngunit tanging kahirapan lang ang sadyang nagtatali sakaniya upang hindi muna
maglakas loob na ayain ang iniirog.
“Ok lang yan mahal. Nasa plano naman natin ‘yan diba? Pasasaan ba’t
darating din tayo diyan.” Pahayag ni Jepoy sa kaniya.
“Hindi mo naiintindihan mahal!... Hindi ikaw…”
Sa mga katagang ito lalong hindi makapaniwala itong si Jepoy.
Punong-puno ng pagtataka ang kaniyang mukha at tila mga ispiya ang mga luha sa
mata nito na naghihintay lang nang hudyat upang dumausdos.
“Pano?” tanong ni Jepoy na tila ba wala na itong kahit anong
natitira pang lakas upang ituwid ang sarili.
“Noong birthday ni Rey… Nalasing ako noon at naalimpungatan lang
ako noong tumawag ka.” Patuloy ang pag-iyak ni Kristina.
“Hindi ko na alam ang mga nangyari noon. Basta ang alam ko iba ang
pakiramdam ko ng magising ako. Iba narin ang suot ko. Natakot akong sabihin sa’yo
ang nangyari mahal. I’m sorry.”
Panay hikbi na lamang ang maririnig mo sa bahay nila Jepoy ng mga
oras na iyon. Walang humpay na iyakan na tila ba’y gugunaw na ang mundo.
Lumabas si Jepoy upang bumili ng isang kaha ng sigarilyo ng makasalubong nito
ang tropang si Carl.
“Oh pare.. End of the world ang drama? Ano ba namang mukha yan.
Para kang nag Biyernes Santo ah.” Biro ni Carl sa kaniya.
“Pare… Buntis si Kristina. Hindi ako ang ama.” Nanginginig pa ang
boses ni Jepoy habang nilalahad sa pinakamatalik na kaibigan ang nangyari.
Habang naglalakad pauwi ay tinanong ni Carl si Jepoy kung anong
plano nito.
“Hindi ko siya kayang iwan pre. Alam mo naman kung gano ko kamahal si Kristina. Gulong-gulo na ang isip ko.”
“Ganun naman pala eh. ‘Wag mo ng problemahin kung ano man ‘yang
nasa isip mo. Ang mahalaga mahal mo siya.” Mabilis na sagot ni Carl sakaniya.
“Pano pag nalaman nila ermat? Pano pa nila siya magugustuhan?”
punong-puno ng pag-aalala ang boses ni Jepoy.
“Eh di akuin mo na.. Ngayon palang, wag mo ng patagalin. Mas
magiging malala lang ang sitwasyon pag pinatagal mo pa.”
“Hindi ko alam kung kakayanin ko. Pano kung mapagbuhusan ko ng
sama ng loob ‘yong bata pag-lumabas? Pano pag sabihin nilang walang kamukha sa
kung sino man sa’ming dalawa?”
“Tiwala lang pre. Wag kang mawawalan ng tiwala. Mahal tayo ng
Diyos.” Pagpupursigi ni Carl kay Jepoy.
Pag-uwi ng dalawa’y tila ba hindi parin tumitigil si Kristina sa
pag-iyak. Halos hindi na ito makahinga kaya kumuha ng isang basong tubig si
Jepoy at iniabot ito sa kasintahan.
“Wag ka mag-alala mahal. Ako naman ang daddy ni baby diba?” Pilit man
ang ngiti ni Jepoy ay nadama naman ni Kristina ang sinseridad sa mga katagang
binigkas nito. Patuloy siyang umiyak habang yumakap ng mahigpit kay Jepoy.
Hinalikan niya ito at paulit-ulit ang pasasalamat sa wagas na pagmamahal na
inaalay ng kasintahan para sa kaniya.
---
… itutuloy …
0 comments:
Post a Comment