Image Credit to FotoCommunity |
Pasado alas dos na ng hapon ngunit ngayon palang kakain ang pagod ngunit kuntentong drayber na nakakadalawang ikot pa lamang sa nakatokang ruta mula kaninang umaga.
"Pare! Napansin mo ba yung nanakawan kaninang umaga sa may bandang Quezon Ave? Dalawang kumikikil tapos dalawang watcher sa magkabilaang pwesto.", paguusisa ng kanyang kundoktor kahit hindi pa tapos lunukin ang pagkaing kasalukuyan pa lamang nitong nilalasap sa bibig.
"Eh yung nagtitinda ng tubig na sumakay sa bandang Cubao napansin mo ba? Yun yung tumimbre kung sinong bibiktimahin.", malumanay na sagot ni Mang Eduardo.
"Ha!? Pano mo naman nalaman yan!?"
"Toy, bata ka pa. Dito na ko sa EDSA lumaki. Alam ko na kung sinong mandurukot diyan kahit na magpalit pa ng mukha yang mga yan.", malungkot na pagbibida naman niya.
"Anak ng! Tapos pag nagkasumbungan tayong mga nagtatrabaho ng matino ang nagiging kasabwat!? Wala talagang kwenta 'tong sistema ng bansang ito!", inis namang sagot ng kundoktor.
"Wag ka mag-alala toy, pag tumakbo kang presidente ng Pilipinas at buhay pa ako iboboto kita.", sagot namang ng nagagalak na si Mang Eduardo sa baguhang kasama.
Matapos ang tinuring na tanghalia'y sandaling pahinga pa at muli nanamang pumasada si Mang Eduardo kasama ng kanyang baguhang kundoktor paikot sa natatanging entablado. Entabladong paulit-ulit na ang eksena ngunit madalas ay naiiba ang mga bida. Mga nagpapautang na sasabit nalang bigla upang maningil sa higit dalawang buwan ng utang na hindi nababayaran, mga pulis na pag hindi nagustuhan ang pang kapeng iniabot ay may naitala paring huli mo kahit na ibalik pa ang lisensya, aksidenteng hindi maiwasan dahil sa hindi pagbibigayan at ang garapal na panghoholdap kahit na mismo ng mga tinaguriang pag-asa ng bayan.
Huling ikot na lang at gagarahe na sila Mang Eduardo ngunit isa nanaman sa mga nakakasawang eksena ang mismong naganap sa kaniyang tabi.
Alas siete ng gabi habang tayuan ang minamaneho niyang bus, isang binatilyo ang ninanakawan ng isang lalake habang ang kasama nito'y nanggigigil na pinaparamdam ang balisong sa tagiliran ng biktima. Nagkatinginan sila ng binatilyo sa salamin at doon niya nakita ang maluha-luha at takot na takot na itsura ng binatang humihingi sa kaniya ng tulong.
"Manong tulungan niyo naman ako."
Eksakto namang may tila matitinong pulis na nagpapatrolya sa parehong lugar na nakapansin sa senyas ni Mang Eduardo kung kaya agad na nahuli ang mga magnanakaw.
"Salamat sa tulong niyo at nahuli namin ang mga ito.", matigas at tila mapagmataas na sagot ng pulis na sumaklolo.
"Boss! Apat lang 'yan, may ilan pa dito sa likod ng bus ko.", pabulong na sagot ni Mang Eduardo.
"Pare, wala tayong pruweba kung sakali mang totoo 'yang hinala mo. Sige na, ibyahe mo na yan at malaking abala na ang naidulot niyan.", sagot naman ng isa pang walang interes na pulis sakanya.
Marahil tapos na para sa lahat ang eksena at sa takot ng ibang pasahero'y naubos na ang mga nakatayo sa loob ng bus. Pero alam ni Mang Eduardo ang posibleng maging susunod na eksena sa entabladong ito kung saan siya naman ngayon ang bida. Namumuo ang kaniyang malalamig na pawis at ng hanapin niya ang kaniyang kundoktor ay nakatayo ito sa kabilang pintuan sa gitna ng bus.
"Konti pa, malapit narin kami sa garahe.. Konti nalang..", Pabulong na inuulit-ulit ni Mang Eduardo habang pasimpleng sumisilip sa salamin.
Paghinto nila ng St. James sa Mindanao Avenue ay tumayo na ang mga inaasahang kalalakihan ni Mang Eduardo. Umakma ang mga itong bubunot na kaniya namang sinabayan ng pagbunot ng tubong nasa tabi ng kaniyang upuan. Gulat man ang tatlong nais bumawi kay Mang Eduardo dahil sa pagkakabulilyaso ng kanilang plano, isa naman sa kanilang kasamahan ang nagkunwaring pasaherong pasakay ang siyang nakaksak kay Mang Eduardo...
----
"Bakit ba kasi kailngan pang gawin ni Eduardo yang pagpapakabayani niya. Ilang dekada na siyang nasa larangan ngayon niya pa naisipang maging bida.", malungkot ngunit pabirong binanggit ng operator na may hawak sa kanila.
"Baka naman kailangan na talaga ng pagbabago sa EDSA.", mahinang tugon naman ng kundoktor na huli niyang nakasama.
~ wakas ~
0 comments:
Post a Comment