Dulo ng Pangarap - Part 1


SUUUUUNNOOOOOGGGG!!!

Lahat ng tao’y nagkakagulo na sa laki ng apoy at mukang tulog pa ang mga bumbero sa pinakamalapit na istasyon. Nang matapos ang sunog na nagtagal ng higit limang oras ay ang pagkaubos din ng pag-asa sa lahat ng mga naninirahan doon.

Habang patuloy na umiiyak ang binatang si Jepoy sa pagkasunog ng lahat ng pinilit niyang pinundar para sa pag-aaral ng makita nito ang kaniyang laptop na bitbit ng isang hindi niya kilalang lalaki.

“Magnanakaw!!!” Sigaw ni Jepoy habang hinahabol ang lalaking kaniyang nakitang may hawak nito.


Sa pagkataranta ng nasabing lalaki ay ang dagliang pagtakbo nito, ngunit hindi pa man ito nakalalayo ay naisipan nitong bitawan ang kaniyang tangay na gamit upang madalian ito sa pagtakas na naging dahilan ng pagkawasak ng gamit niya.

Sa sobrang gulat ni Jepoy ay hindi na ito nakagalaw ng makita ang pagkakawasak ng lahat ng kaniyang paghihirap.

Ng sumunod na linggo ay pumasok na muli si Jepoy sa paaralan. Hindi ito naka-uniporme at agarang dumeretso sa kanilang departamento upang maki-usap sa adviser nito para pagbigyan pa siya ng karagdagang panahon para matapos ang kaniyang Capstone project. Graduating student na kasi si Jepoy, isang taon na niyang ginugugol ang kaniyang oras at panahon sa proyektong ito na siyang dahilan kung bakit hindi pa siya makakuha ng kaniyang diploma.

“Hindi pwede Jepoy.” Matigas na pahayag ng kaniyang adviser na si Mr. Reyes.

“Rules are rules, pag pinayagan kita masisira ang reputasyon ko dito sa paaralang ito and besides dapat matagal mo ng natapos yan. Alam mo namang tig isang semester lang naman dapat ang pag take ng Capstone Project”, dagdag pa nito.

“Pero sir, hindi naman namin inaasahan ang nangyari. Sunog po iyon at hindi dahil sa pagiging iresponsable ko.”

“Then you should have made some backups Mr. Mangila. You should act like a professional.”, tugon sa kaniya ni Mr. Reyes.

Hindi na muling sumagot si Jepoy sa kaniyang propesor at nagpasalamat nalang ito bago ito tuluyang umalis.

“Badtrip talaga pare, napakawalang puso talaga nitong si Sir. Adviser nga pero hindi man lang mag advise at mas importante pa ang image niya.” Reklamo ni Jepoy sa kaniyang tropang si Carl.

“Gusto mo banatan na natin? Ako na bahala dun.” Pabiro naman nitong sagot sa kaniya.

“Wag na pare, nagiging patagalan na ang laban natin sa paaralang ‘to. Ayoko namang matanggal ka pa dito.”

“Hindi niya yun malalaman sigurado ako.” Kumpiyansang sagot ni Carl.

“Para kang sira. Yung mga kriminal nga nahahanap tayo pa kayang mambabanat lang.”

“Yosi gusto mo? Isipin mo nalang itong yosi yung sunog na kumain sa bahay niyo. Ngayon, ikaw naman ang kakain sakaniya.” Alok ni Carl.

Hindi na nagdalawang isip si Jepoy at tinanggap ang isang stick ng yosi na bigay ng kaniyang pinakamatalik na kaibigan sa paaralan. Ng matapos ang ilang oras na samaan ng loob ay dumating naman itong si Kristina. Ang pinakasisinta ni Jepoy.

“Oh pano pare, mauna na ko”, Paalam ni Carl sa kanila.

“Wag pare, bata ka pa.” Sabay batok sa kaibigan bago ito tuluyang umalis.

Tahimik ang ilang minutong pagsasama ng magkasintahan sa oras na iyon. Tila may puwersang pumipigil sa mga labi ng mga ito.

“Pano ko pa malalaman kung tanggap ako sa mga pinagpasahan ko kung wala na kong kahit anong natira. Kahit nga komunikasyon natin wala na.” Malungkot ang tinig ni Jepoy.

“Ayaw mo bang mag-apply sa pinapasukan ni ate? Kahit bilang panimula lang?”, alok sa kaniya ni Kristina.

Guro ang ate nito sa isang pribadong paaralan sa Maynila ngunit hindi talaga ginusto ni Jepoy na magtrabaho kasama ang isang kakilala.

“Alam mo namang mahirap iyong gusto mo. Ano pang mukang maihaharap ko sainyo niyan?”

Dumalaw nanaman ang isang tahimik na hangin sa pagitan ng dalawa ng maisipang magtanong ni Kristina kay Jepoy.

“…. Eh pano kung buntis pala ko?”, seryoso ang mukha nito.

“Seryoso ka ba? Mahal naman, sa evacuation center pa nga kami nakatira pansamantala. Wag mo naman akong biruin ng ganyan.”, medyo iritableng sagot ni Jepoy.

“Eh pano nga kung totoo? Hindi ka parin ba papayag na magsimula doon?”

“Hindi ko alam mahal. Marami pa kong dapat asikasuhin. Pero seryoso ka ba talaga?, kabado niyang tanong.

“Hindi no, hindi pa naman dumarating yung kabuwanan ko.”

“Pasensya ka na mahal, magulo lang siguro talaga ang utak ko. Pati yung maliliit na kumpanyang sinubukan ko hindi man lang ako tinawagan, pano kung pati kila ate hindi ako matanggap?”

Ng matapos ang kanilang natatanging sandali ay hinatid na ni Jepoy si Kristina sa kanilang tahanan. Punong-puno ng pagkabagabag ang diwa ni Jepoy sa sunod-sunod na pangyayari sa buhay nito. Depresyon na lamang ang natatangi niyang nararamdaman na tila patuloy na pumupukpok sa kaniyang tiwala na habang may buhay ay may pag-asa.

Patuloy na nagkikita ang magkasintahan hanggang makalipas ang isang buwan. Nakalipat na sila Jepoy sa bago nilang tahanan at kahit pano’y naibsan na ang bigat na dinadala nito sa panahong nagdaan.
Walang pasok si Jepoy ng araw na ito nang makarinig ito nang katok sa pinto ng kanilang bagong tahanan. Ng buksan niya ito ay si Kristina ang bumungad sa kaniya. Namumugto ang mga mata at tila hindi malaman ang gagawin.

“Bakit mahal? Anong ngyari?, nag-aalalang tanong ni Jepoy.

“Mahal, sorry…”

--
... itutuloy ...

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...